Bente-dos na ako nung nakaraan. Parang kelan lang,ako’y twenty-one. Officially,nasa linya na daw ako ng mga eligible bachelors-- professional; promising na mga nilalang ng lipunan. Oo nga’t heto ako’t sumasagwan sa agos ng buhay. Naglayag ako noong nakaraang anim na buwan sa unang trabaho. Pero,simbilis ng pag-tiktak ng orasan, panahon na’t humakbang sa panibagong hamon ng palalayag sa ibang dako. Sa ngayon, maaring babagsak ako sa parehong trabaho, pero mas pa dun ang kagustuhan at pagtutulak na sumagwan sa tangos paroon. Di ko matantya ang kalooban ko pero nasusukat ko na ang kayang mapanindigan.
Tulad ng mga kakilala ko, marami sila at tulad ko, promising at propesyonal, mas ninais nilang lumihis sa linyada ng normalidad. Pinili nila ang lubak-lubak ngunit makabuluhang landas ng kasaysayan at kasalukuyan sa paniniwalang ang pagtatalik na ito ng panahon ay nagbabadya ng magandang bukas. Ideal na isipin ito,pero nasusukat ang lahat sa mismong pagtupad sa mga ideyang ito. Kung mararapatin ng panahon, maaring hindi na malayo yun. Samakatuwid, mangyari na ang mangyari. Subalit habang ang mga pag-aalinlangan ay namamayani sa sistema ng aking kaisipan at kalooban, mas pa sa kabutihan ang di pagsadya, sa halip ay pagsabay sa tawag ng panahon.
Patuloy ang pananariwa sa likod ng aking isip nang mga litanya ng mga kaluluwang minsan at patuloy na lumulundo sa biyahe sa kung saan. Kasalatan at kasimplehan ng buhay ang katumbas ng paghihirap at pagsusunog ng kilay sa minsa’y dayuhang silid-aralan. Anupa’t nauso ang utang na loob at responsibilidad kung di lang din susundin. Siya nga, ngunit tulad ng kulturang kinamulatan, sa biglang irap at kurap, nabago na ang kalakhan.
Ako’y nangangapa. Ngunit di nabubulagan sa kung saan ako tutungo. Kasabay noon ang pangako ng aking mga pangarap. Abo’t kamay kung tutuusin. Sa bilis ng inog ng mundo, bukas, bente-tres na ako. Ganoon din, maaring sa panahong yun, nakatakda na akong sumuong sa minsa’y isang matamis na bangungot.
Sa puntong ito ng kasalukuyan, lumalarga ako sa ngalan ng pag-ibig. Tunay ngang makapangyarihan ito. Ramdam ko sa bawat tibok ng aking puso ang hinagpis ng bawat kaluluwang nakakasalubong. Gayundin ang lugod at tuwa ng iilang lumalangoy sa kasaganaan. Nawa’y manatili ang inspirasyon, ang tulak ng pag-ibig sa bawat araw at gabi ng pakikipagsapalaran sa sariling kaisipan at hangos ng sangkalooban.
*talim ng araw: unang serye, ika-31 ng Enero
No comments:
Post a Comment