Friday, May 2, 2008

Bahid ng Hinayang


--Pilit ko mang ilibing sa puntod ng aking isipan ang sigwang dulot ng pusong humihikab ng diwang pag-ibig, sa muli't muli'y patuloy itong sumisikad sa pag-asang mapapawalan ng isipang pilit sumasamyo sa diwang gising--

Sa kalamigan ng paligid ng Cordillera aking napagtanto ang pasyang pilit kong iniiwasan. Sa tinatagal-tagal ng panahon na bumilang ng halos tatlong taong pagtitimpi sa damdaming gising. At ngayon ay mananahan na sa kasaysayan ng isipang patuloy na kumukompas sa tunguhin ng pag-ibig.
Huli na ito, ayoko ko nang maramdam muli ang ganitong damdamin. Hindi kanino man kundi para sa isang kaluluwang nagbigay sa akin ng pasakit, mga pag-aalala at sang butil ng luha, ngunit nagdudlot naman ng ibayong kaligayang walang pagsidlan.
Ang luhang ibinuhis sa ngalan ng tapat na damdaming pilit itinitimpi ay katumbas ng sanlaksang pangakong dapat sana'y aking nabitawan sa mga sandaling tayo'y hawak kamay sa dako roon. Ang kabang maya't maya'y bumabalot sa saplot ng aking kutis sa tuwing ika'y nasisilayan ay nagbabadya ng tensyong manindigan sa alay na pag-ibig, at lampasan ang mga hamon sa gitna ng kawalan. At higit sa lahat ang hapdi ng kirot ng karamdamang hindi mo nadadama san mang dako ng iyong pisikal na katawan ngunit tagos hanggang buto ang hirap at sakit.
Maaring ito'y kalabisan ng sitwasyon sa konteksto ng realidad, ngunit ito ay pagtanto sa tamang daan na dapat sana ay tatahakin ng isang taong nabubuhay sa kaligayahan. Ano mang klase ng hirap at hinayang ang abutin ko, patuloy akong sasamyo at luluhod sa payo ng puso ko, sang ayon sa kalagayang taos ang hangarin ko sayo. Ngunit kahit ang busilak na kalagayang ito ay hindi nangangahulugang lulundo sa kaligayahan, ngunit mas pa ang sakit na dulot ng pag-ayaw at pagtalikod ng kaluluwang pinagukulan.
At sino ba ang dapat masisi? Ang pusong umaasa sa hinaharap o ang isipang mapagbigay at kumukuha ng sandaling tugma sa pagbulalas nga mga wikang pag-ibig. Kung sana lang ay nahinuha niya ito, kung sana'y nagbigay siya ng daan sa pagpapatawad at paumanhin at kung sana'y di na siya nagpakita ng kagandahan at kabaitan, di sana'y naibuhos ko na ang damdaming ito sa ibang katauhan; di sana'y umusad na ang pusong bigo at puno ng hinayang; di sana'y napawi ko na sa ulirat ko ang ideyang ikaw ang nasa unahan ng aking isipan. Kung sana di tayo magkaibigan, di na dapat ako lalayo.


*Pilit kung ipinaparamdam ang damdaming gising, ngunit patuloy niyang pinapawi ito. Ramdam ko sa mga sandaling iyon ang di kasiguruhan sa puso niya, at may pilit humihimpil dito. SA huli ko malalamang, katulad ng luhang aking ibinuhos, sanlaksang luha din ang kanyang sinayang sa kaluluwang ligaw na patuloy gumagambala sa puso niya. Ang malinaw, hindi ako yon. Panghihinayang ang namamayani sa akin ngayon. At ito'y lalatak sa aking landas magpakailan man.


No comments: