Wednesday, September 3, 2008

Huling Lagapak ng Kandado

NI AXEL PINPIN*
Inilathala ng Bulatlat
Vol. VIII, No. 30, August 31-September 6, 2008

Kumupas at kumupis ang kalendaryo
Kumalampag at ipininid ang kandado
Kumupad at bumilis ang oras
Nagasgas at numipis ang rehas
Dumatal at umalis ang lamig
Sumagad at umibis ang init
Nangutya at tiniis ang inip
Nanuya at nanikis ang inis

Walong daaan at limampu’t siyam na araw
Paulit-ulit, paikid-ikid lamang na galaw

Dalawang taon at apat na buwan
Pabalik-balik, paikit-ikit lamang na kawalan

Ninakaw, inagaw ang kalayaang inakalang
Maitatangkal sa kalaliman ng kadiliman
Ng libingan ng mga buhay at matatabunan
Ng tambak ng batas na butas
Na nauna pang maagnas at ipag-aguniyas
Ang kamatayan ng sirkerong testigo na di-bihasa
Sa kinabisang panulayan at panimbangan.
Ay! Nagkandudulas sa lubid ng kasinungalingang
Ibinuhol ng buhong na piskal, nagkandabulol
At nagkandahulog ang katwiran
Na nagiging mahika-blanka
Sa tuwing kabulaanan ang bumubulagang
Sorpresa sa kahon ng ebidensya at hindi
Kunehong puti na sana’y mabilis at malinis
Na lilinlang sa namanghang mga
Mamamayang bantay sa katarungan
Sa sala ng Hukom na nagmistulang karnabal.

Walong daaan at limampu’t siyam na araw
Paulit-ulit, paikid-ikid lamang na galaw

Dalawang taon at apat na buwan
Pabalik-balik, paikit-ikit lamang na kawalan

At sa isang iglap, walang nakakurap,
Tapos na ang palabas!

29 Agosto 2008/0358hr
Unang labanan ng rebolusyong 1896 sa San Juan
At unang araw sa labas ng bilangguan ng Tagaytay 5

Inilathala ng Bulatlat
*Si Axel Pinpin ay kabilang sa tinaguriang “Tagaytay 5” – kasama nina Riel Custodio, Aristedes Sarmiento, Enrico Ybañez, at Michael Masayes – na dinukot ng mga pulis at militar noong Abril 28, 2006 sa Tagaytay City, pinaratangang mga “rebeldeng komunista” at mahigit sa dalawang taong nakulong sa Camp Vicente Lim ng Philippine National Police (PNP) bago mapalaya nitong Agosto 27. Naging fellow siya para sa tula ng UP National Writers Workshop noong 1999.

No comments: