ni Arjay Garcia
27 Marso 2007 Paanan ng Makiling, UPLB
Isang mapagplayang pakikinig at pamumuhay!
Nalalapit na ang pagtatapos ng pamamalagi ninyo sa UP kasabay ng pagsibol ng muli ng luntiang damo sa Freedom Park upang sumalubong sa inyong pagmartsa. Marahil, ang tunay na dahilan ay upang mas piliin mong manatili sa luntiang damo ng UPLB upang humawan ng talahib o kaya’y diligin ng karunungan ang mga ito, kaysa sa ‘greener pasture’ ng US o Europe.
Ngayon nga’y patapos na ang semestre, kasabay niyong maghahanda ang mga maiiwan pang finalists (required man o hindi) sa paghabol ng tala at hiwaga. Tala para sa mga mag-eexam dahil maaaring nagrebyu sila o hindi, maaaring humiling. Hiwaga ng magkahalong lungkot at saya ng mga tulad ninyong magtatapos.
Sa pagkamit niyo ng inyong diploma, magkakaroon na ng katuparan ang inyong mga pinangarap (sana hindi maging hadlang ang prinsipyo) upang humabi ng panibagong pangarap. Ang mabigyan ng magandang kinabukasan ang inyong pamilya, sarili at nawa’y ang mas nakakarami.
Ang paglalayag na ito ay hindi isahan, katambal niyo ang libo-libong kaluluwang humahabi at tumutupad ng pangarap para sa sarili, pamilya o bayan. Kulang ang pamamalagi niyo sa UPLB kung hindi naitatak sa inyo ang paglubog at pakikisalamuha sa tao—ib’t-iba, maralita o kahit sino pa man. Kung hindi pa kayo handa sa paglalayag sa sinasabing ‘harsh reality’— na nagpapahuwad sa konsepto ng ‘greener pasture’.
Pag-abot sa inyo ng diploma, sana maisaisip ang tunay na kahulugan nito. Hindi ito para ipagyabang o idespley sa eskaparate o isilid sa palad. Ito’y katibayan na maglilingkod sa mas nakakarami, na magsisilbi itong simbolo na pumili tayo ng paninindigan na isusulong at pananatilihin.
Hindi kayo aalis hanggat buhay na buhay ang bawat naraanan niyong damo sa Freedom Park, hanggat nasasagap pa ang hangin ng Makiling, naggat kumakaway at kinakampay ng talulot ng kalachuchi sa c-park, an gpagpapatintero at pagpadyak. Hanggat nasa pahina, dingding at hiwaga ng UPLB ang inyong pagkatao, hanggat sumusulat, humahalaklak, sumusuka, kumakandirit at humahagok kayo, hanggat nariyan pa ang bayag at bagwis ni Pegaraw, saya at sutla ni Mariang Banga at ang metapora at mithiin ni Oble.
Bilang pamamaalam at pagsaludo, isa lamang panambitan;
“Sa loob ng comfort zone ng akademya ay may totoong digmaan. At ang totoong manunulat ay pinapatay. Sa panahon ng ligalig, walang panahon para tumagibang. Walang panahon para manahimik. Walang panahon para magpaumanhin. Dahil lagi’t-lagi ang oras ay panahon ng pagpapasya”.
Maligayang pagtatapos.
*hango sa sipi ng liham pamamaalam ng isang kasama at brod noong graduation
Monday, January 28, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment